Watch Busy Vice President Robredo address the nation on Chinese coronavirus

Very busy Vice President Leni Robredo
Very busy Vice President Leni Robredo address the nation using online social media platform on the Chinese coronavirus with a message of unity.

Very busy vice president Leni Robredo addressed the nation online on Monday using social media platforms discussing her report on the steps against Chinese coronavirus and message of unity. The full Tagalog text below followed by the video.

Ulat sa mga Hakbang Laban sa COVID-19 at Mensahe ng Pagtutulungan at Pagkakaisa (28 September 2020)

Noong nakaraang linggo, lumabas ang Lancet study, isang malawakang pag-aaral ukol sa COVID-19. Sinuri nito ang siyamnapu’t isang bansa, at ini-rank rin sila ayon sa bisa ng kanilang pag-ampat ng virus. Ranked 66 ang Pilipinas.

Sa parehong pag-aaral, may labing-siyam na bansa na tinukoy kung saan “successfully suppressed” ang virus. Sampu sa top 19 na ito, nasa Asia Pacific Region. Ididiin ko: Nagtagumpay laban sa virus ang labingsiyam na bansa, kabilang na ang sampu sa ating mga kapitbahay, kahit wala pang gamot, at kahit wala pang bakuna.

Humaharap ako sa inyo ngayon dahil naniniwala akong kaya din natin ito. Kailangan nating itanong: Ano ang mga hakbang na ginawa nila? Alin sa mga ito ang puwedeng iangkop sa konteksto natin dito sa Pilipinas? Ano pa ang ibang mabisang solusyon? Ano ang mga nagiging hadlang sa pagpapatupad nito?

Dagdag pa sa mga mungkahing naitala ko na sa mga nauna kong pahayag, at pati na rin sa mga liham na direkta naming ipinapadala sa mga ahensya ng gobyerno, nais kong maglatag ngayon ng karagdagang mga rekomendasyon. Bunga ito ng patuloy nating pagkonsulta sa mga eksperto—mga scientist, mga doktor, mga ekonomista, at iba pang mga dalubhasa. Habang nagpapatuloy ang aming mga COVID-response operations, at sa pagtatrabaho namin on the ground, kasama ang mga apektadong komunidad, sektor, at mga frontliners, marami ding mga bagong insight na lumilitaw, na sinusuri ng mga policy experts upang maisalin sa mga kongkretong hakbang.

Robredo said she and her office really want to extend a helping hand to the administration by providing inputs for improvement.

Una sa mga mungkahi ang pagtatakda ng malinaw at measurable na mga layunin. Pamilyar na sa maraming mga propesyunal ang katagang “SMART” Goals—ang ibig sabihin, Specific, Measurable, Achievable, Relevant, at Time-based. Ito mismo ang kailangan natin, at nasa Lancet study na rin ang balangkas ng maaaring itakdang goals. Ayon sa datos noong Agosto, itinuturing tayong may “moderate transmission” dahil sa bawat isang milyong tao, mayroong 37.5 new cases at 0.5 new deaths kada araw, at may isang kasong nadadagdag sa bawat walong COVID-19 tests. Ang mga bansang nasa “successfully suppressed” category, ay nagtatala lang ng hindi hihigit sa 5 new cases at 0 deaths per day sa bawat isang milyong katao, at mahigit 20 tests ang nagagawa bago magkaroon ng bagong kaso. Dagdag pa rito ang paghabol natin sa international standards: Maaari ring magtakda ng iba pang specific goals para sa mga lungsod na mas malaki ang peligrong mahawa dahil sa pagsisiksikan.

Hindi mahirap itakda ang mga layuning ito. Halimbawa: Alinsunod sa international standards, puwedeng targetin na bago matapos ang Oktubre, mas mababa na sa 5% ang positivity rate at siguraduhing hindi lalampas sa 1 ang reproduction rate ng virus. Hindi mahirap magkaroon ng monitoring mechanism para dito; at hindi rin kalabisang hilingin na mabigyan ang publiko ng regular na update kung nasaan na tayo relative to these goals. Mabisang paraan ito para mabigyan ng kaunting kasiguruhan ang publiko: Kung makikita natin ang horizon, at magkakaroon tayo ng sense kung nasaan na tayo sa biyahe tungo dito, makakampante tayo kahit paano.

Ikalawang mungkahi ng mga eksperto ang pagbibigay ng karagdagang suporta sa mga Local Government Units.

Simula pa lang ng pandemya, idiniin na ng pamahalaan na LGU ang susi sa pag-ampat sa virus. Sang-ayon tayo dito: Nitong mga nakaraang buwan, sa antas ng LGU natin nakikita ang pinakamalikhain at mabibisang mga solusyon. Marami na sa kanila ang mayroong best practices—mula sa malalim na koordinasyon sa medical community at experts, hanggang sa paggamit ng tech-based solutions para sa contact tracing o para maibsan ang epektong ekonomiko ng pandemya. Pangunahin silang inaasahan sa ngayon—kaya nga dapat silang tutukan, palakasin, at bigyan ng ibayong suporta.

Sa bagong batas na Bayanihan 2, naka-earmark ang 1.5 billion pesos para sa local government support fund. Mayroon tayong 1,634 cites and municipalities; ibig sabihin, kung pare-pareho ang makukuha ng lahat, nasa tag-900,000 pesos lang ang maipapamahagi sa bawat LGU. Limitado ang halagang ito, kaya dapat strategic ang paglalaan. Saan pinakakailangan? Ano mismo ang mga gaps na dapat punan? Datos ang makakasagot sa mga tanong na ito. Puwedeng i-rank ang mga LGU ayon sa kung gaano kalala ang situwasyon sa kanila. Ayon sa mga eksperto, high risk ang isang lugar kapag humigit sa isang daang katao kada isang daang libo na population ang active cases. Puwedeng gamitin ang kaalamang ito bilang basehan ng pagpapalakas ng testing, mas agresibong contact tracing, pagsisiguro na may sapat na isolation facilities, at sa iba pang kinakailangang suporta ng isang LGU. Sinuri namin ang DOH data, at nakita naming as of September 23, may 66 na LGU na high risk dahil may higit sa 100 active cases sila per 100,000 population, habang mayroon namang 485 na LGU na walang kaso ng community transmission. Magkaiba dapat ang istratehiya para sa mga ito: Halimbawa, sa mga lugar na walang transmission, puwede nang pagplanuhan ang iba’t ibang paraan para makapag-resume ang face-to-face classes alinsunod sa minimum health standards. Mas matinding safety guidelines at protocols naman ang dapat ipatupad sa mga lugar na maituturing pang high-risk.

Sa antas ng komunidad kumakalat ang virus, kaya nga ang mga healthcare worker sa mga komunidad ang pangunahin sa mga frontliner natin. First line of defense sila para mapaalalahanan ang mga tao ng tamang kaugalian para maiwasan ang COVID-19, at para matukoy ang mga dapat i-test, i-quarantine, o ang mga nasa malubhang kalagayan na dapat dalhin sa ospital. Mas marami, mas mahusay, at mas inaarugang community health workers ang kailangan natin—at kailangang suportahan ang mga LGU para makamtan ito.

Ang ikatlong mungkahi: Mas malawak na tulong para sa maliliit na negosyo. Ninety nine percent ng mga negosyo sa Pilipinas ang nasa antas ng micro-, small, at medium-scale enterprise o MSME. Kapag mapipilitan silang magsara dahil sa pandemyang ito, lalong mapapaluhod ang pambansang ekonomiya. Bukod sa mga pautang na nakalaan sa Bayanihan 2, kailangan nila ng direktang grants—para magpatuloy ang pasahod nila sa mga empleyado, at ang mismong operasyon nila. Dapat gumawa ng paraan para maipaabot ang mga grant ito sa mga maliliit at naghihikahos na negosyo; marami sa kanila, walang access sa mga bangko na madalas dinadaluyan ng pondo. May mga mekanismo tulad ng credit mediation services na puwedeng pag-aralan at gayahin para i-proseso ang mga grant. Sa ganitong paraan, talagang bababa sa pinaka nangangailangan ng tulong, at hindi matitigil lang sa mga malalaking negosyo na makikinabang sa mas mababang interest rates.

Karugtong nito ang ikaapat na mungkahi: Tulungan makahanap ng trabaho ang mga newly unemployed dahil sa pandemya. Malaki ang puwedeng gampanan ng gobyerno rito at una na ang pagsasaayos ng socio-economic profile para maging batayan ng pag-prioritize ng tulong: Mahalaga rin ang pagkalap ng datos ng mga pangangailangan ng negosyo, at ang pagtutugma nito sa mga naghahanap ng trabaho. Mahalaga ito, lalo pa dahil mahirap ngayong bumiyahe dahil sa pangamba o limitasyon sa public transport. Kung maitutugma ang mga naghahanap ng trabaho sa mga vacancy na malapit sa kanila, maiibsan ang suliraning ito, bukod pa sa pagbawas sa panganib na tumawid ang virus sa ibang lokalidad. Kamakailan lang, inilunsad ng OVP katulong ng private partners ang isang jobs matching platform na ito mismo ang tuon. Halos 14,000 na ang job vacancies na nakapost sa aming site na Sikap.PH; marami dito, puwedeng-puwede sa mga hindi umabot ng college.

Katambal din ng Sikap.PH sa ilalim ng ating Bayanihanapbuhay initiative ang Iskaparate.com, kung saan natin pino-post ang mga produkto ng mga maliliit na negosyante. Alalahanin natin, 77 percent ng mga Pilipino, walang bank account; marami ring walang kaalaman o kagamitan para magpost sa mga existing platforms. Kung makakapag-ambagan ang lahat para palawakin pa ang saklaw ng Iskaparate.com, mas marami ang mahahanap at matutulungang mga community-based na negosyante para makilahok sa digital space. Bukas na bukas kami na makipagtulungan sa pambansang pamahalaan, o sa kahit sino man, para palakasin ang mga platforms tulad ng Sikap.PH at Iskaparate.com.

Ang ikalimang mungkahi, tungkol sa bakuna. Sang-ayon tayo na mahalaga ang bakuna—kaya nga hindi sapat na abangan lang ito. Ngayon pa lang, kailangan nang paghandaan kung paano isasagawa ang malawakang deployment kapag nadevelop na ito. Hindi birong tungkulin ang agarang pagbabakuna sa milyon-milyong Pilipino—kailangan ng plano, imprastruktura, at mekanismo, na hangga’t maaari ay maibaba sa antas ng mga Barangay Health Unit. Siyempre, kailangan din nito ng pondo. Nakalaan sa budget ng susunod na taon ang 2.5 billion pesos para sa bakuna. Ayon sa DOH, sapat lamang ito para sa 3.8 milyong katao. Paano na lang iyong naiwang halos isang daang million? Ngayon pa lang, kailangan nang tutukan at paghandaan ang mga pangangailangang pinansyal at iba pa para sa bakuna.

Ang ilan sa mga mungkahing ito ay sinubukan na naming gawin sa abot ng makakaya ng ating Tanggapan: Ang patuloy na distribution ng mga PPE set na gawa ng mga lokal na mananahi, na napondohan sa tulong ng mga private donors at partners; Ang Bayanihan E-skwela, na lumikha ng mga how-to videos para sa teachers at parents sa tulong ng mga education experts at mga volunteer creatives at celebrities. Naglunsad din tayo kamakailan ng teacher training para sa online teaching at modular distance learning. Mayroon ding Community Mart—isang app na nagtutulay sa mga tindera sa palengke, mga tricycle drivers, at mamimili sa isa’t isa. Ilan lang ito sa mga halimbawa ng mga pagkilos na sinusubukang palakasin ang kabuoang efforts laban sa COVID-19.Lahat ito, malinaw na ang konsepto, at napatunayan nang gumagana. May template na, may technology, at may mga proseso nang puwedeng sundan. Handa kaming ibahagi ang lahat ng kaalamang mayroon kami ukol sa mga proyektong ito. Kung handa tayong makinig sa iba’t ibang mungkahi, at kung magiging bukas tayo sa iba’t ibang ideya, tiyak ko, marami pang maipapatupad na polisiya at programa na makakabuti sa lahat.

Naniniwala pa rin ako sa mabuting intensyon ng pamahalaan, kabilang na ng mga nasa matataas na katungkulan. Ngunit sa bigat ng ating kinakaharap, hindi sapat ang mabuting intensyon. Kailangan strategic at organized ang pagkilos. Dahil sa kabila ng mabuting mga intensyon, hindi maikakaila ang katotohanan: Maraming Pilipino ang patuloy na nagkakasakit. Marami pang puwedeng gawin; marami pang kakulangang puwedeng punan. Alam nating lahat ito; lahat tayo, may kakilala nang pumanaw, nagkasakit, nabaon sa utang, o nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Ito ang simpleng katotohanan, at kung gusto nating baguhin ang trajectory ng bansa, kailangan nating harapin ito, at maging bukas sa lahat ng kaisipan, lahat ng mungkahi, lahat ng handang umambag—dahil walang ibang paraang malagpasan ang hamon na ito, kundi ang magtulungan.

Ididiin ko: Gusto lang naming tumulong. Ayaw naming mabigo ang gobyerno, dahil kapag nabigo ang gobyerno, tayong mga Pilipino ang magdurusa, tayong mga Pilipino ang magkakasakit at mamamatay. Malaki ang problema, kaya dapat lahat tayo may puwedeng i-ambag. Hindi ito panahon para ipagdiinan ang hidwaang Administrasyon o Oposisyon. Sa panahong ito, ang mahalaga, Pilipino tayong lahat.

Wala akong duda na kaya rin nating maabot ang nangyari sa labingsiyam na bansang nagtagumpay laban sa pandemya ayon sa Lancet study. Iyong iba sa kanila, halos katabi lang natin—Taiwan, Thailand, Vietnam, Laos, China, Myanmar, Malaysia, New Zealand, South Korea. Malinaw sa akin kung ano ang nagtatahi sa kanila: Naniwala sila sa datos, sa agham, at sa mga eksperto; naging bukas sila sa kaalaman at mga kaisipan, saan man ito magmula; nagplano sila nang maigi; mabilis at coordinated ang kilos ng gobyerno nila. Naging tapat sila sa pakikitungo sa kanilang mamamayan. Isinantabi nila ang politika. Nakipagtulungan sila.

Kaya natin ito; patuloy ang tiwala ko sa kakayahan ng Pilipino. At inuulit ko: Nandito lang ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, handang makipag-ugnayan, walang ibang hangarin kundi ang makatulong sa lahat ng Pilipino sa gitna ng krisis na sama-sama nating hinaharap.

Narinig ko na minsan, “What binds us together is greater than what drives us apart.” Sa nakaraang anim na buwan, kitang-kita ang katotohanang ito. Naniniwala pa rin ako, nasa puso pa rin ng bawat isa sa atin ang malasakit sa kapwa, ang pagbubukas-loob upang makinig, at ang kakayahang makipagkaisa. Dito nagbubukal ang katiyakan ko: Magtatagumpay tayo sa hamon na ito.Maraming salamat.

Tell us your thoughts on this article. If logged in with any of your Wordpress.com, Twitter, Facebook, Google+, or registered on this site before, then you can simply write your comment below. Thanks and appreciate your feedback.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.