ROBREDO: Duterte’s DRUG WAR 99% FAILURE!

Vice President Leni Robredo delivers her findings on the campaign on fight agains illegal drugs.
on the campaign against illegal drugs. Robredo graded Duterte’s government the unflattering score of “1 out of 100” percent in its flagship program to combat narcotics, claiming that designated authorities were only able to seize 1% of the total supply of illegal drugs in the country.

Vice President Leni Robredo on Monday, Jan. 6, 2020 shared her report on the campaign against illegal drugs. Robredo graded Duterte’s government the unflattering score of “1 out of 100” percent in its flagship program to combat narcotics, claiming that designated authorities were only able to seize 1% of the total supply of illegal drugs in the country.

Watch her report below:

Ulat ng Pangalawang Pangulo ukol sa Kampanya Laban sa Iligal na Droga

“Labing-walong araw lamang akong naglingkod bilang co-chair ng ICAD. Pero sa loob ng maiksing panahon, pinulong ko ang mga ahensiya, dumalaw ako sa mga komunidad, kumunsulta ako sa iba’t ibang mgaorganisasyon, at sinikap kong intindihin ang kasalukuyang kalagayan ng kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.

Nakita ko ang trabahong ginawa at patuloy na ginagawa ng mga tapat na kawani ng pamahalaan mula sa iba’t ibang ahensiya. Nasaksihan din ang mga magagandang inisiyatibo sa iba’t ibang pamayanan, katulad ng Pateros, Quezon City, at Caloocan.

Kaya maraming salamat, Mr. President, sa pagkakataong tumulong bilang co-chair ng ICAD. Walang oras na nasayang sa labing-walong araw na binigay ninyo.

Pero ngayong umaga, tututok ako sa tatlong pinakamahahalagang obserbasyon [sa] aking report, at ang mga rekomendasyong kaugnay nito.

Una: Noong pinatawag ko ang ICAD sa aking opisina dalawang araw matapos na tanggapin ang pagiging co-chair, nasaksihan ko ang dedikasyon ng ilang ahensiya na mag-ambag sa kampanya. Ang layunin ng ICAD ay balangkasin ang iba’t ibang responsibilidad ng lahat ng kasamang departamento at opisina sa laban kontra sa droga. Tama ang prinsipiyong ito. Sa pamamagitan ng isang komite, masisiguro nating hindi nagkakaniya-kaniya ang iba’t ibang instrumento ng gobyerno at may iisang layuning pinagtulungan ng lahat. Sa pamamagitan sana ng ICAD, matutugunan ang lahat ng aspeto ng laban—mula sa Enforcement, Adbokasiya, Hustisya, Rehabilitasyon, hanggang Reintegrasyon.

Ngunit taliwas ito sa nangyayari. Binuhos ng pamahalaan ang atensyon at badyet sa panghuhuli sa maliliit na nagtutulak sa kanto-kanto. Napabayaan tuloy ang ibang aspeto ng kampanya.

Dahil dito, nirerekomenda ko na ilipat sa Dangerous Drugs Board ang chairmanship ng ICAD. Ang DDB ang mas may kakayahang magplano ng pangkalahatang mga programa kung saan tutulong ang bawat miyembro ng ICAD. Kung sila ang pinuno ng ICAD, magiging mas balanse ang kampanya at lahat ng aspeto ay matutugunan.

Maikli man ang ating panahon sa ICAD, nakita natin na ang tunay na kailangan nito ay mas malawak na perspektibo at mas strategic na pamumuno.

Higit sa lahat, kailangang tutukan ng Presidente ang bawat aspeto ng kampanya. Mas makakabuwelo ang ICAD sa mga tungkulin at rekomendasyon nito kung buo ang suporta ng kanilang boss—ang Pangulo.

Walang mangyayari kung hindi aaksyunan ang mga mungkahi ng ICAD, tulad ng pagbuo ng National Anti-Illegal Drug Task Force. Ang grupong ito ay itinalaga ng Executive Order na siya ring nagtayo ng ICAD, pero hanggang ngayon, mahigit dalawang taon na ang lumipas, wala pa ring aksyon mula sa Pangulo.

Hindi Co-Chair ang kailangan ng ICAD. Ang kailangan nito ay ang pagtutok ng Pangulo. Tinawag na giyera ang problema sa iligal na droga. Kailangan ang Pangulo ang maging Commander-in-chief nito.

Pangalawa: Noong nagsimula ang kampanya laban sa iligal na droga, halos lahat ng programa ay binuhos sa pagtugis sa mga small-time na pusher at user. Pero tila nakaligtaan ang isang napakahalagang aspeto ng [problema]—ang pagtugis sa kung saan ba nanggagaling ang bulto ng drogang bumibiktima sa ating mga kabataan at mamamayan. Lagi natin naririnig ang terminong “High Value Target.” Hinihingi natin noon ang listahan dahil sila ang gusto nating habulin: ang kumikita ng malaki sa pag-supply ng shabu sa mga nagtutulak sa kanto. Kung gusto talaga nating tapusin ang salot ng iligal na droga, ang malalaking supplier, at hindi lang ang maliliit na pusher, ang kailangan nating habulin.

Para mas maging epektibo tayo rito, ang una nating kailangang alamin ay kung gaano karaming shabu ang umiikot sa bansa ngayon. Kasalukuyan, PDEA mismo ang nagsabi sa Enforcement Cluster Meeting na wala silang ganitong datos. Pero ayon sa pinuno ng Drug Enforcement Group ng PNP, tatlong tonelada o tatlong libong kilo ng shabu ang nauubos ng mga addict sa buong bansa bawat linggo. Ang ibig sabihin nito, 156,000 kilo ang nagagamit kada taon.

Pero ayon sa report ng PDEA, mula Enero hanggang Oktubre 2019, nasa 1,344 kilong shabu lang ang nakuha nila. Isang porsiyento lang ito ng kabuuang konsumo sa buong bansa. Noong 2017 naman, 1,053 kilong shabu ang nasamsam, samantalang 785 kilong shabu naman noong 2018. Wala ding isang porsiyento ang nasamsam bawat taon mula 2017 hanggang 2018, ayon sa kanilang datos.

Uulitin ko: hanggang isang porsyento lang ng kabuuang supply ng shabu ang nakuha ng PDEA noong nakaraang tatlong taon.

Bilyon-bilyong piso ang katumbas ng ganito karaming droga. Sabi ng PNP, ang tatlong libong kilong shabu bawat linggo ay may halagang 25 billion pesos. Ibig sabihin, ayon sa datos ng PNP, 1.3 trillion pesos ang halaga ng umiikot na shabu kada taon.

Ngunit ayon din sa opisyal na datos, 1.4 billion pesos lamang ang halagang naipit ng AMLC mula 2017 hanggang 2018 kaugnay sa iligal na droga. Wala pang isang porsiyento ito sa umiikot na pera mula sa drug trade.
Malinaw na malinaw, na ayon mismo sa opisyal na datos, sa kabila ng lahat ng Pilipinong pinatay, at lahat ng perang ginasta, hindi lumampas sa isang porsiyento ang naipit natin sa supply ng shabu at sa perang kinita mula sa droga.

Isang porsiyento.

Isipin na lang natin, kung exam ito, ang magiging score ng ating pamahalaan ay 1 over 100.

Mula sa datos na ito, makikita natin na kinakailangan ang pagpalit ng stratehiya. Kasama na rito ang pagtigil sa Tokhang at paglabas ng bagong kasulatang mayroong mas malinaw na layunin at operational guidelines para maiwasan ang mga naging abuso ng iilan sa kampanyang ito.

Imbes na habulin o patayin ang nagbebenta sa kanto, kailangan tugisin ang pinanggagalingan ng droga—ang mga malalaking drug lords. Sila ang tunay na kalaban, hindi ang ordinaryong mamamayan.

Pangatlo at panghuli: Kalat ang datos.

Halimbawa, ayon sa DDB, mayroong naitalang 1.8 million na gumagamit ng iligal na droga, batay sa 2015 Nationwide Survey on the Nature and Extent of Drug Abuse in the Philippines. Ito ang numerong pinagsimulan ng kasalukuyang administrasyon. Ngunit ayon sa Pangulo, umabot na raw ito sa pito hanggang walong milyong katao. Dito pa lang, dapat matigilan na tayo: kung dumami hanggang walong milyon ang gumagamit ng iligal na droga mula sa dating 1.8 million, hindi ba mas lumala pa ang problema natin?

Nang tanungin ko naman ang mga ahensyang kabahagi ng ICAD, wala raw sa kanilang gumagamit ng numerong pito hanggang walong milyon. Sa halip, apat na milyon daw ang gumagamit ng droga. Extrapolation ito mula sa mga sumuko at inaresto. Ngunit inamin mismo ni Director General Aquino na kahit ang numerong apat na milyon ay walang scientific basis.

Ang sabi nila, mayroon nang mahigit 1.2 million na sumuko [mula] 2016. Mayroon ding 300,000 na na-aresto sa mga operasyon ng pulis. Ang suma-total, 1.5 million. Kung gagamitin ang 4 million na estimate, at 1.5 million pa lang ang accounted for, nasaan ang 2.5 million?

Sinasabi rin nila na basehan ng tagumpay ang numero ng drug-cleared barangays. Pero paano natin masasabi na drug-cleared na ang barangay kung walang maayos na datos? At kung hindi rin malinaw kung iilan sa mga sumuko ang nascreen na at nabigyan ng karampatang intervention?

Ilang beses ako humingi ng datos tungkol dito mula sa ICAD, pero paulit-ulit ding walang naibigay. Sa ulat pa ng USAID kami nakahanap ng numero. Hanggang Hulyo 2019, batay sa ginawa nilang “rapid assessment,” 32-50% pa lamang ng 1.3 million na sumuko ang dumaan na sa screening at assessment para malaman kung gaano kalala ang kanilang adiksyon.

Samantala, 10-15% pa lang ang sumasailalim sa programang pang-rehabilitasyon para sa komunidad.

Wala ring datos ang gobyerno na nagsasabi kung ilan ang nagtutulak ng droga at kung ilan ang gumagamit lamang. Importante ito upang matukoy kung anong programa nga ba ang kailangan para hindi na sila bumalik sa dating gawi.

Dahil dito, hindi nakakagulat na ngayon, naghahalu-halo ang users at pushers sa mga rehabilitation centers at kulungan. Ayon sa DOH, ang kontaminasyong ito ay nagbubunga ng mga panibagong drug networks. Lumalala pa tuloy ang problema, kaysa naaayos.

Kung kalat ang datos, kalat ang kampanya. Hindi natin masusukat kung gumagana ang ating mga programa. Hindi natin masasabi kung nagtatagumpay ba tayo.

Ang layon natin ay maghanap ng organisado at siyentipikong solusyon. Ayaw na natin ng palpak at bara-bara. Pero kung sa simpleng datos pa lang ay nagkakagulo na tayo, paano pa tayo makakahanap ng tamang solusyon sa mga problemang bumibiktima sa ating mga kababayan?

Mahigit tatlo’t kalahating taon na po ang nakalipas. Ngayon pa lang naghahabol ng sistema ng Community-Based Drug Rehabilitation. Inaasa ito sa mga lokal na Anti-Drug Abuse Councils, na karamihan ay wala namang sapat na suporta at pondo. Tuloy, nagka-kaniya-kaniyang programa ang mga LGU. Karamihan dito ay hindi evidence-based. Ang iba maayos, ang iba naman kung anu-ano na lang ang pinapagawa.

Kaya, hinihingi natin sa Pangulo na i-certify as urgent ang mga panukalang batas na magpopondo at magpapalakas ng mga Anti-Drug Abuse Councils at Anti-Drug Abuse Offices, at mag-i-institutionalize ng Community Based Drug Rehabilitation sa bawat komunidad.

Lahat ng aking obserbasyon at rekomendasyon ay para sa mas maayos at mapayapang buhay para sa ating mga kababayan. Tatlo’t kalahating taon na ang nakalipas, libu-libo na ang namatay, naulila, at nasira ang buhay dahil sa kalat na implementasyon ng kampanya laban sa iligal na droga. Kahit na nasa huling bahagi na tayo ng administrasyong Duterte, marami pang kailangan gawin, at marami pang magagawa. Bukas sana tayo sa tulong at mungkahi ng lahat, dahil ang laban na ito ay laban nating lahat.

Noong tinanggap ko ang trabaho laban sa iligal na droga, naging parte na ito ng aking adbokasiya. Tinutukan natin, kasama ang iba’t ibang grupong aktibo rito, ang pagsulong ng mga programang makakaambag sa kampanya laban sa iligal na droga, katulad ng rehabilitasyon at reintegrasyon. At kahit tinanggal na ako sa posisyon, ipagpapatuloy ko ang trabaho, maliit man ang badyet at maliit man ang ating opisina. Katulad ng sinabi ko noong nag-umpisa ang lahat ng ito: Kahit iisang inosenteng buhay lamang ang mailigtas, sulit ang lahat ng ating pagod at sakripisyo.

Mr. President, hinayag ko ang mga ito ngayong umaga hindi para manira o mambatikos, pero para ilabas ang katotohanan. Makakaasa po kayo sa aking patuloy na pagtulong para malutas ng ating bayan ang problema ng iligal na droga. Sana makaasa din ang ating mga kababayan na gagawin niyo ang nararapat para harapin ang katotohanan at ayusin ang kasalukuyang kampanya.”

Tell us your thoughts on this article. If logged in with any of your Wordpress.com, Twitter, Facebook, Google+, or registered on this site before, then you can simply write your comment below. Thanks and appreciate your feedback.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.